-- Advertisements --

NAGA CITY – Arestado ang isang menor de edad matapos nitong sunugin ang nasa 12 motorsiklo sa Barangay Conception Grande, Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay FC/Insp. Emmanuel Ricafort, Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP) Naga, sinabi nitong posibleng sinadya ng 17-anyos na binatilyo ang pangyayari.

Nabatid na siyam sa motorsiklo ang totally damage habang tatlo naman ang partially damage at umabot sa kabuuang P300,000 ang halaga ng iniwang pinsala.

Ayon kay Ricafort, nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon dahil posible rin aniyang theft ang kaso ng suspek dahil kilala ito sa pagnanakaw ng mga gasolina sa mga sasakyan na pwedeng nauwi sa pagliyab ng naturang mga motorsiklo.

Ang naturang mga motorsiklo ay nakaparada sa parking area ng barangay kung saan tumagal pa ng halos 20 minuto bago tuluyang naapula ang sunog

Sa ngayon, nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban dito.