BAGUIO CITY – Aabot na sa 12 ang bilang ng mga casualties na iniwan ng pananalasa ng bagyong Maring sa Baguio City at Benguet.
Sa datos na nakalap ng Bombo Radyo Baguio, aabot sa anim ang nasawi habang tatlo ang injured at dalawa ang missing o pinaghahanap pa kung saan lahat ng mga ito ay biktima ng pagguho ng lupa, putik at mga bato na tumama sa kani-kanilang mga tahanan.
Kasama sa mga nasawi ang tatlong batang magkakapatid na Teligo matapos matabunan ang kanilang tahanan sa Ambiong, La Trinidad, Benguet kagabi.
Ligtas naman ang kanilang mga magulang habang humihingi ng tulong ang kanilang mga kamag-anak para sa gastusin ng pamilya lalo na sa pagbangon muli ng mga ito.
Samantala, nasawi din ang isang 32-anyos na si Cherrie Dillam Leo matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kalahati ng kanilang tahanan sa Tuding, Itogon, Benguet.
Sa report ng Itogon Municipal DRRM Council, bandang ala-una ng madaling araw ng mangyari ang insidente kung saan alas-dos na na-recover ang bangkay ni Cherrie Leo kasama ang katawan ni Raygan Leo, 35.
Itinakbo sa pagamutan si Raygan Leo na nagtamo ng minor injuries at sa ngayon ay nasa mabuting kalagayan.
Maswerte namang hindi nasaktan ang dalawang dalagang kasama ng mga ito sa kanilang tahanan.
Pinaglalamayan na rin ngayon ang bangkay ng 80-anyos na si Colasa Tigwey matapos masawi ng madaganan ito ng pader ng kanilang tahanan na itinulak ng mga lupa na gumuho mula sa itaas na bahagi ng bundok sa Ampucao, Itogon, Benguet.
Samantala, natagpuan na rin bandang alas-onse singkwenta kaninang tanghali ang bangkay ng lolo na kasama sa mga natabunan sa isang tahanan sa Dominican Mirador, Baguio City habang patuloy ang search, rescue and retrieval operation sa dalawang apo nito.
Samantala, sa latest report ng Office of Civil Defense-Cordillera, aabot na sa 54 na insidente ng landslide at rockslide ang naitala sa mga road networks sa rehiyon habang 12 ang insidente ng pagbaha at walong insidente ng landslide at rockslide sa iba pang bahagi ng rehion.
Aabot na rin sa 26 na mga road sections ang closed to traffic habang 17 na road sections ang nasa punch-thru status at pitong road sections ang one-lane passable.
Sa impormaayon ng DSWD-Cordillera, aabot na sa 536 na pamilya na binubuo ng 2,116 na indibidwal mula sa 11 na bayan, isang lungsod at tatlo na probinsiya ng Cordillera ang apektado sa pananalasa ng bagyong Maring kung saan 28 pamilya ang nasa mga evacuation centers habang 19 pamilya ang lumikas sa kanilang mga kapitbahay o kamag-anak.
Nabigyan na rin ang mga ito ng family food packs mula sa DSWD at sa mga kinauukulang LGUs.
Umaabot na din sa higit P1.22 million ang inisyal na danyos sa mga high value commercial crops habang higit P28.115 million naman ang inisyal na danyos sa produktong mais sa rehiyonng Cordillera.
Samantala, sa datos ng Pagasa Baguio Synoptic Station, umabot na sa 625.3 milimeter ang amount of rainfall sa Baguio-Benguet area sa nakaraang 24 oras, mula alas-otso ng umaga kahapon hanggang alas-otso kaninang umaga kung saan, mas mataas ito kung ihahambing sa 535 milimeter na amount of rainfall na naitala sa 24-hour observation noong September 15, 2018 sa pananalasa ng bagyong Ompong.
Sa ngayon, nagsimula na sa ilang lalawigan ng Cordillera ang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis sa naging epekto ng bagyong Maring sa rehiyon ng Cordillera.