-- Advertisements --

CEBU CITY – Umabot sa 12 katao ang isinugod sa pagamutan matapos bumangga ang sinasakyan nilang van sa Trancentral Highway sa Barangay Cansomoroy, bayan ng Balamban, Cebu.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Balamban Police Station, bumiyahe ang naturang pribadong van sakay ang 11 pasahero papunta sa isang mountain resort sa Balamban kung saan minamaneho ito ng nagngangalang Renato Arcenal, 50-anyos na taga-Mandaue City.

Ayon kay Police Corporal Teofilo Verano Jr. ng Balamban Police Station, nawalan ng preno ang van kaya naman binangga ito ng driver sa isang cemented drainage upang makahinto.

Lubhang nasira ang pribadong van habang injured naman ang mga pasahero nito kabilang na ang driver.

Dagdag pa ni Verano na kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan ang mga pasahero habang hinihintay pa nila ang desisyon kung maghahain ba sila ng reklamo laban sa driver.