-- Advertisements --

Dumating na sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sakay ng Flag carrier kaninang alas tres ng madaling araw ang 12 overseas Filipino worker (OFWs) mula sa Israel.

Ang grupo ay ang ika-12 batch ng OFWs na boluntaryong nag-avail ng repatriation program ng gobyerno.

Siyam (9) sa kanila ay caregiver at habang ang 3 naman ay mga hotel workers.

May kabuuang 374 na mga OFW ang nakabalik sa ngayon mula nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng Israel at Palestinian militant group na Hamas noong Oct. 7 2023.

Samantala, nagbabala ang department of migrant workers laban sa recruitment scheme kung saan ang mga overseas Filipino workers ay ilegal na nagtatrabaho sa isang transit country imbes na sa original destination nila.

Sa isang live broadcast, nagbabala si migrant workers officer-in-charge Hans Cacdac na ang ganitong pamamaraan ay maaaring maging isang malaking gulo para sa mga OFW.

Sinabi ng opisyal ng DMW na may mga pagkakataon na ang ilang mga OFW na may reentry visa sa Saudi Arabia ay nananatili muna sa Pilipinas para magbakasyon at kalaunan ay magbo-book ng flight pabalik sa Saudi Arabia na may layover sa Dubai.

Pero sa halip na sumakay sa flight papuntang Saudi Arabia, ang mga OFW na ito ay nananatili sa Dubai para maghanap ng ibang trabaho.

Aniya pa, maglalabas ang kagawaran ng advisory hinggil dito ngayong araw.

Matatandaan na noong Oktubre, 95 na distressed Filipino mula sa Saudi Arabia ang humingi ng repatriation mula sa gobyerno ng Pilipinas.

Binigyan naman sila ng cash assistance at medical check-up.