Inanunsiyo ng Philippine Competition Commission (PCC) na naghain ito ng reklamo laban sa 12 traders at importers na umakto umano na parang cartel.
Ayon sa mga kinatawan ng PCC Enforcement office, pumasok ang mga trader sa “anti-competitive agreements” para sa suplay ng imported onions mula 2019 hanggang 2023.
Nakipagsabwatan umano ang mga trader para makontrol ang presyo at limitahan ang kompetisyon na nakakasama sa mga konsyumer at sa ekonomiya sa kabuuan.
Sinabi din ng PCC representatives na ito ang unang pagkakataon na naghain sila ng mga kaso laban sa cartel para sa paglabag sa Philippine Competition Act partikular na sa Market Allocation and Anti-Competitive Exchange of Business Information.
Nagsagawa naman ang PCC Enforcement Office ng mga raid para maimbestigaan ang emails at iba pang katibayan na susuporta sa cartel-like behavior ng mga trader.
Subalit sinabi naman ni Atty. Christian Delos Santos ng PCC Enforcement Office na hindi ma-attribute sa cartel ang labis na paglobo ng presyo ng sibuyas noong December 2022 hanggang sa unang bahagi ng 2023. Bagamat posibleng nakapag-ambag umano ang cartel sa pagsipa ng mga presyo ng sibuyas.
Kabilang nga sa 6 na kompaniyang kinasuhan ay ang Philippine Vieva Group of Companies Inc., Tian Long Corp., La Reina Fresh Vegetables and Young Indoor Plants Inc., Yom Trading Corporation, Vieva Phils Inc., Golden Shine International Freight Forwarders Corp.
Habang ang 6 na indibidwal naman na sinampahan ng reklamo ay sina Mark Castro Ocampo, Nancy Callanta Rosal, Lilia Cruz, Eric Pabilona, Renato Francisco Jr. at Letty Baculando.
Samantala, ayon naman sa Bureau of Plant and Industry, pinagbawalan ang 12 onion traders mula sa pag-aapply para sa import clearance.
Matatandaan na noong Enero ng nakalipas na taon, sumipa ang presyo ng pulang sibuyas sa merkado ng napakataas na pumalo sa P700 kada kilo dahil sa kakulangan sa suplay.
Ang PCC naman ang naglunsad ng imbestigasyon hinggil sa umano’y mga onion cartel simula noong 2022 mula ng tumaas ng sobra ang presyo ng sibuyas.