Sinuspendi ng Office of the Ombudsman sa loob ng anim na buwan nang walang sahod ang nasa 12 mga opisyal ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Mangement (DBM) dahil sa isyu sa pagbili ng umano’y mamahaling laptops para sa mga guro sa ilalim noon ng Duterte administration.
Sa 11 pahinang resolusyon, sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na nadiskubre ng kaniyang tanggapan na mayroong sapat na basehan para sa pansamantalang suspensiyon ng nasabing mga respondent dahil sa grave misconduct, serious dishonesty, at gross neglect of duty kung saan mayroong malakas na ebidensiya na nagpapakitang guilty ang mga ito.
Kabilang sa mga sinuspendi ay sina DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla, DepEd Undersecretary Alain del Pascua, dating Department of Budget and Management undersecretary Lloyd Christopher Lao, DepEd Assistant Secretary for Administration and Procurement Salvador Malana III, Director Abram Abanil ng Information and Communications Technology Services, na siyang DepEd/Designated Ad Hoc Member ng Special Bids and Awards Committee (SBAC-1) para sa “Laptop for Teachers” Project.
Kasama din sa sinuspendi sina Director Jasonmar Uayan na siyang Officer-in-Charge at Executive Director ng Procurement Service-DBM, si Ulysees Mora na siyang Procurement Management Officer ng PS-DBM at Designated Chairperson ng Special Bids and Awards Committee, Marwin Amil na siya namang Procurement Management Officer I, PS-DBM at Designated Provisional Member, Special Bids and Awards Committee; Alec Ladanga, Executive Assistant IV ng Office of Undersecretary Sevilla, DepEd; Marcelo Bragado, Director IV, Procurement Management Service, DepEd; Selwyn Briones, Supervising Administrative Officer, DepEd; Paul Armand Estrada, Procurement Management Officer V ng PS-DBM at Designated Regular Member ng Special Bids and Awards Committee.
Sinabi pa ng anti-graft body na ang nasabing suspensiyon ng mga opisyal ay alinsunod sa Section 27 ng Ombudsman law na agad na ipapatupad.
Nag-ugat ang desisyon ng Ombudsman mula sa reklamo na inihain ng Senate Blue Ribbon Committee na resulta ng inquiry nito sa nasabing kontrobersiya.