-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Umabot sa 12 pamilya ang nagsilikas sa sentrong bahagi ng Brgy. Bit-os nitong lungsod ng Butuan dahil sa mga putukan ng armas at bomba na umalingawngaw kaninang alas-siete ng umaga na pinaniniwalaang dahil sa bakbakan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at tropa ng pamahalaan.

Ayon sa isa sa mga bakwit na Raynelia Paduga, kaagad nilang nilisan ang kanilang lugar matapos na umalingawngaw ang putukan sa Purok 14 na patungo na ng kagubatan upang iligtas ang kanilang buhay.

Sa 30 mga pamilya umano sa kanilang lugar, 12 pa lang ang lumikas dahil sa mga alagang hindi nila maiiwanan.

Karamihan umano sa kanila ay hindi na nakapagdala pa ng kanilang damit at hindi na rin nakapag-tsinelas dahil sa sobrang takot at sakaling magiging mapayapa na ay posibleng uuwi kaagad sila.