Ligtas na rin na nakauwe sa bansa ang 12 pang Pinoy seafarers mula Ukraine sa kasagsagan ng nagaganap na kaguluhan ngayon doon ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa inilabas na statement ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola dumating kagabi, Marso 22, sa Clark airport sa Pampanga ang nasabing mga seafarer mula sa MV Filia Joy at MV Filia Glory.
Nailikas aniya ang mga nasabing indibidwal sa pagtutulungan ng Philippine Honorary Consulate sa Chisinau, Moldova at Philippine Embassy sa Budapest.
Sa ulat ng DFA, nasa kabuuang 382 na mga Pilipino sa Ukraine ang natulungan na ng kagawaran, 330 sa mga ito ay napauwe na sa bansa mula noong Marso 21 habang nasa 52 OFWs naman ang nailikas na sa gitna nang mas tumitindi pang tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.