-- Advertisements --

Pinahintulutan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang muling pagbubukas ng 12 modified provincial Public Utility Bus (PUB) routes mula Metro Manila patungo at pabalik sa mga lalawigan sa Region 3 at 4A simula Setyembre 30.

Batay sa inilabas na Memorandum Circular 2020-051 ng ahensya, puwede nang bumiyahe ang mga PUBs na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity.

Nakarehistro din dapat ang bawat unit ng bus sa Personal Passenger Insurance Policy sa mga rutang nakapaloob sa MC nang walang Special Permit.

Pero kapalit ng special permit ay ang QR Code na itatalaga sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa mga PUB units.

Maliban pa rito, inoobliga ang mga operators na maglagay ng Global Navigation Satellite System (GPS) upang ma-monitor ang kanilang pagbiyahe.

Narito ang mga bubuksang modified provincial bus routes patungong Metro Manila at pabalik:

  1. San Fernando, Pampanga – Araneta Center, Cubao, Quezon City
  2. Batangas City, Batangas – Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx)
  3. Lemery, Batangas – PITx
  4. Lipa City, Batangas – PITx
  5. Nasugbu, Batangas – PITx
  6. Indang, Cavite – PITx
  7. Mendez, Cavite – PITx
  8. Tagaytay City, Cavite – PITx
  9. Ternate, Cavite – PITx
  10. Calamba City, Laguna – PITx
  11. Siniloan, Laguna – PITx
  12. Sta. Cruz, Laguna – PITx

Ang mga ruta ay napili batay sa pakikipag-ugnayan ng LTFRB sa mga stakeholders, kabilang ang Local Government Units (LGU), terminals at bus operators.

Inaprubahan na rin ng mga LGUs ang mga nabanggit na ruta na may sakop sa mga ito.

Kaugnay nito, may ilang kondisyon din na kailangang sundin sa pagbiyahe ng mga PUB unit.

Kabilang na rito ang pagbabawal sa pagbaba at pagsakay sa anumang bahagi ng Provincial Route maliban na lang sa mga itinalagang stopover points at terminal kung saan huling titigil ang mga PUB.

Para naman sa mga pasahero, kailangang magdala ng mga sumusunod para makasakay at makabiyahe sa mga Provincial Bus:

  1. Travel Authority/Pass mula sa PNP sa terminal na panggagalingan ng pasahero;
  2. Valid ID na may kalakip na importanteng impormasyon ng pasahero tulad ng Address/Place of Origin, Edad, at Lugar kung saan nag-aaral o nagtatrabaho;
  3. Written Consent na pumapayag ang pasahero na sumailalim sa COVID-19 testing o magpa-quarantine sa terminal na pinagmulan at/o huling destinasyon sakaling ito ay kailanganin ng LGU;
  4. Iba pang mga dokumentong kailangan ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at local government unit.

Ang mga driver ng PUB at ang kanilang mga pasahero ay binibilinan ding magsuot ng face mask at face shield, magdala at gumamit ng alcohol o sanitizer, at tumalima sa isang metrong physical distancing.

Hindi rin pinapahintulutan ang pagkain, pag-inom, at pakikipag-usap sa kapwa pasahero o sa cellphone sa loob ng pampublikong sasakyan.

Sang-ayon sa memorandum, kailangang makakuha ng trip ticket ang pasahero dalawang araw bago bumiyahe o mas maaga pa sa pamamagitan ng online purchase o kaya sa mismong bus terminal.

Ipinagbabawal ang pagbili ng trip ticket sa araw mismo ng pagbiyahe maliban na lang kung ito ay isang emergency tulad ng problema sa pamilya o sa kalusugan.

Sasailalim sa regular monitoring ang lahat ng PUBs na bibiyahe sa mga modified provincial bus routes.

Ang sinumang mahuli na lalabag sa mga probisyon ng MC ay papatawan ng kaukulang parusa at multa, at maaaring tanggalan ng CPC o PA.