LEGAZPI CITY – Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang 12 pulis matapos masangkot sa aksidente ang sinasakyang patrol car sa Brgy. Luy-a, Aroroy, Masbate.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, patungo sana ang sasakyan sa designated insertion area para sa Major Internal Security Operations/Clearing Operation kasama ang 1st Provincial Mobile Force Company ng Masbate.
Sakay nito ang tropa ng 2nd PMFC na kinabibilangan nina PSSg Goldenito Despi Jr, 31; PCpl Vergel Vergara, 36; Pat Julius Joel Belo, 24; Pat Ramil Nuñez, 26; Pat Edwin Borbe, 30; Pat Renan Lozada, 29; Pat Dave Anthony Ocampo, 27; Pat Christian Joy Alibio, 23; Pat John Ergig Realo, 25; Pat Mark Anthony Peñano, 23; at Pat Joel Perite, 25.
Nabatid na si Pat Marcial Saceda Jr. ang nagmamaneho sa naturang sasakyan subalit ng dumating sa pinangyarihan ng aksidente, bumangga ito sa waiting shed.
Mapalad naman na pawang minor injuries lamang ang tinamo ng mga ito.
Mabilis naman na nakipag-ugnayan ang Aroroy Municipal Police Station sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pag-tow ng sasakyan habang nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa nangyari.