-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Tuluyan nang ipinasara ng Boracay Inter-Agency Task Force at lokal na pamahalaan ng Malay ang 12 establishment na malapit sa main road sa Boracay.

Ayon kay Natividad Bernandino, head ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation and Management Group, lumabag ang mga ito sa 12 meters road easement law mula sa main road habang ang ilan ay walang mayor’s permit.

Hindi pa rin aniya tinibag ng mga may-ari ng gusali ang kanilang balcony at iba pang nakausling istraktura sa pinalapad na kalsada.

Ang 12 ipinasara ay kasama sa 25 establishment na binigyan ng closure order noong Hunyo 17.

Ilan sa mga ito ay ang sikat na health and wellness shop, isang bangko, cellphone repair shops at iba pa.

Sinabi ni Bernandino na ikalawang bahagi ito ng kanilang crackdown operations laban sa mga pasaway na establishments owners sa tanyag na isla.

Nabatid na noong nakaraang buwan, 11 establishment din na karamihan ay pagmamay-ari ng mga Chinese ang ipinasara ng task force.

Inabisuhan din umano nila si Environment Secretary Roy Cimatu sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa ilang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources na sinasabing namigay ng certification sa mga gusali na mayroon pang paglabag.

Inaasahang magkakaroon pa ng ikatlong round ng closure sa pag-upo ng mga bagong halal na opisyal sa Hulyo.