TUGUEGARAO CITY – Nagpapagaling na sa pagamutan ang 12 kataong nasugatan sa nangyaring banggaan ng dalawang van sa Lallo, Cagayan, kaninang umaga.
Ayon kay Police Chief Master Sgt. Herardo Conde Jr., hepe ng Lallo-Philippine National Police, sa kanilang imbestigasyon ay iniwasan umano ng driver ng closed van ang dalawang sasakyan na tumigil sa unahan ng kalsada.
Dito na siya nawalan siya ng kontrol sa manebela kaya napunta siya sa kabilang linya ng kalsada.
Eksakto naman na may parating na isa pang van na sakay ang mga guro na dahilan ng salpukan.
Sugatan din sa insidente ang driver ng dalawang van.
Nasa ospital sa Camalaniugan ang anim na guro, habang ang apat ay dinala sa Tuguegarao City.
Sinabi ni Conde na dadalo sana sa seminar ang mga guro tungkol sa vote counting machine sa Tuguegarao City.