BAGUIO CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang 12 turista at isang high value target na drug personality sa Ifugao sa magkakaibang operasyon na isinagawa ng mga otoridad sa Baguio City at sa lalawigan ng Ifugao.
Unang nahuli ang pitong turista mula Metro Manila sakay ng isang bus na patungong Cubao sa isinagawang interdiction operation ng mga otoridad sa Viewpoint, Banaue, Ifugao.
Nakumpiska ang kabuuang 15 kilos ng marijuana mula sa anim na mga turista na pawang mga estudyante.
Nakilala ang mga suspeks na sina Jerick Villacorte Crisostomo, 36, pintor, mula Tondo, Manila; Titus Jacob Tallada, 20, mula Sta. Mesa, Manila; Reneil Dela Cruz Espinosa, 23, mula Taguig City, Manila; Daniel Urbano Gavino Tejada, 22, mula Taguig City, Manila; Joshua Pagador Dacillo, 19, mula San Jose, Del Monte, Bulacan; Reynaldo Tinagan Jerez Jr., 19, mula Bagong Silang, Caloocan at 17-anyos mula Fairview, Quezon City.
Samantala, nahulog sa kamay ng mga otoridad ng Ifugao ang high value target nila na nakilalang si Charles Kimmayong, 33, residente ng Viewpoint, Banaue, Ifugao sa isinagawang buy-bust operation sa Amganad, Banaue, Ifugao.
Nakumpiska sa kanya ang 5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000 at mga paraphernalia.
Isinagawa ang buy-bust operation kasunod ng interdiction operation kung saan nahuli ang pitong mga turista.
Samantala, naaresto rin ang limang mga turista mula Metro Manila sa buy bust operation na isinagawa ng mga otoridad sa Santo Nino, Slaughter Compound, Baguio City kagabi.
Nakilala ang subject ng operasyon na si Angeline Conching Asistio alyas Tomboy, 20, mula Caloocan City kung saan nakumpiska sa kanya ang limang bricks ng limang kilo marijuana na nagkakahalaga ng P35,000 at narekober pa ang nagamit na buy bust money.
Hinuli rin ng mga otoridad ang apat na kasama ni Asistio matapos magpositibo ang pag-inspeksiyon sa kanilang mga backpacks na nagresulta sa pagkakumpiska ng apat na bricks at isang plastic pack ng marijuana na may bigat na higit kumulang 4.3 kilos.
Nakilala naman ang apat na sina Mike Laurence Aguilar, 23, mula Caloocan City; Ceasar Santa Theresa Alanin, 24, mula Caloocan City; Jonnel Gumapos Forbes, 22, mula Tondo, Manila at isang 16-anyos mula Caloocan City.