-- Advertisements --

f161

Kasalukuyang nasa Pilipinas ang 12 F-16s fighter jets ng US Air Force (USAF).

Ito’y para makiisa sa 10th iteration na tinawag na Bilateral Air Contingent Exchange-Philippines na magsisimula ngayong araw, March14 hanggang sa March 25, 2022 kasama ang Philippine Air Force (PAF).

Ang mga nasabing fighter jets ng US ay naka-station sa Japan at nagtungo lamang sa Pilipinas para sa nakatakdang bilateral exercise.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PAF spokesperson Col. Maynard Mariano, sasailalim sa 12 araw na “intense and rigorous” training ang mga participant kung saan magkakaroon ng iba’t ibang senaryo.

Nasa 30 piloto mula sa PAF at USAF ang lalahok sa nasabing joint training exercise.

Makakatuwang ng 12 F16 fighter jets ng USAF ang 10 FA-50 fighter jets ng PAF.

Gagawin ang bilateral exercise sa Basa Air Base, Floridablanca, Pampanga; Clark Air Base, Mabalacat City, Pampanga; Colonel Ernesto Ravina Air Base, Capas, Tarlac; at Wallace Air Station sa San Fernando La Union.

Ayon sa tagapagsalita ng PAF, sentro ng aktibidad ang air-to-air engagement, base defense; air traffic navigations and integration coordination; air battle management, air defense command and control operations; radar and radio operations; at surface to air missile operation and deployment planning.

Ang 12 USAF F-16 aircraft ang siyang magsasanay sa 5th Fighter Wing Pilots.

“If we gonna have a multirole fighter like F16, ito po talaga ay malaking advantage, so we will be able to further the capability on what we have right now like the FA 50, we can go farther we can bring more loads with us, we can fly faster and higher, we can react faster compared to our FA-50 right now,” ani Col. Mariano.

Sinabi ni Mariano, malaking bagay sa PAF ang naturang training dahil marami silang matutunan lalo na ang pag-operate sa real multirole fighter jet gaya ng F-16.

Paghahanda na rin ito sa mga piloto sakaling magkaroon na ng F16 fighter jet ang PAF sa hinaharap.

Dagdag ni Mariano, dahil sa mga training at joint exercises ay nakahanda ang mga fighter pilots ng PAF na mag-operate ng mga F16 fighter jet.

“They (Pilots) are more than ready to operate the F16 aircrafts or any other multirole fighter na available ngayon sa mundo,” wika pa ni Col. Mariano.

Inihayag nito, malaking tulong ang bilateral exercise kasama ang US upang mapalakas pa nila ang pagbabantay sa airspace ng bansa at para matugunan ang mga posibleng banta na kakaharapin ng PAF.

Ayon pa kay Mariano, ang FA-50 ng PAF ay maituturing na world standard multirole light combat aircraft habang ang F-16 fighter jet ng USAF at kinukunsiderang real multirole fighter jet.

Siniguro rin ni Mariano na gagawin ng PAF ang lahat maprotektahan ang airspace ng bansa laban sa mga tinaguriang intruders.

“Yes po, part of the peace time function ng air force is air policing, so weed also to police our airspace hindi lang natin dapat hayaan na our airspace will be violated ng kung sinu-sino. This is a sovereign airspace, this is a Philippine air space and we need to protect,” pagbibigay-diin ni Col. Mariano.

Una nang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na plano nilang bumili ng F16 fighter jet.