-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Pinigilan muna ang mga apektadong pamilya dahil sa malakas na alon na bumalik sa mga nasira nilang bahay dahil lubhang mapanganib pa ngayon.

Sa tala ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), nasira ang mga bahay ng halos 120 pamilya sa lungsod dahil sa malakas na alon dala ng masamang panahon.

Nasa 62 pamilya ang apektado sa Barangay Dadiangas South, 32 pamilya sa Barangay Dadiangas West, at 21 pamilya sa Barangay Bula.

Sa naging pahayag ni Dr. Bong Dacera, action officer ng CDRRMO na nasa 25 pamilya na ang nabigyan ng kanilang sariling bahay matapos na mai-relocate sa Guardian Hill sa Barangay Bawing sa lungsod.

Ayon dito, ang nasabing lugar ang siyang permanent na resettlement para sa mga apektadong pamilya.

Ayon sa Pagasa, bumubuti na ang panahon ngayon pero aasahang may mga pag-ulan kaya pinaaalahanan pa rin ng CDRRMO ang mga nakatira sa mga danger zones na posibleng maulit pa ang malalakas na alon sa Sarangani Bay.