Naitala ngayon ng Department of Health (DOH) ang pinakamataas na bilang ng dagdag na mga bagong nahawa sa COVID-19 sa loob ng isang araw.
Ito ay makarang iulat ng DOH ang panibagong 12,021 na karagdagang kaso ng COVID-19.
Sinasabing ito na ang pinakamataas sa nakalipas na apat na buwan.
Dahil dito ang mga nagkasakit sa virus ay umakyat pa sa 1,688,040 mula noong nakalipas na taon sa bansa.
Gayunman mas lalo namang dumami pa ang mga pasyente ngayon na lomobo na sa 81,399.
Ang naturang bilang ay gitna nang pangamba ng marami sa mas nakakahawang Delta variant ng COVID-19.
Sa kabila nito marami rin naman ang mga bagong gumaling ngayon na umaabot sa 9,591.
Sa kabuuan ang mga nakarekober sa bansa ay nasa 1,577,267 na.
Nitong nakalipas na araw, ang report ng DOH ay merong 8,560 ang mga bagong nadagdag na kaso sa bansa.
Samantala meron namang bagong mga nasawi ngayon sa Pilipinas na nasa 154 katao.
Ang death toll sa bansa ay nasa 29,374 na.
Habang mayroon namang tatlong laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
“Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 4.8% (81,399) ang aktibong kaso, 93.4% (1,577,267) na ang gumaling, at 1.74% (29,374) ang namatay. Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong August 9, 2021 habang mayroong 3 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 3 labs na ito ay humigit kumulang 2.0% sa lahat ng samples na naitest at 1.2% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” bahagi pa ng abiso ng DOH. “Sa patuloy na pagtaas ng mga kaso, pinaalalahanan po natin ang lahat na patuloy na sumunod sa minimum public health standards. Kapag naman nakaranas ng mga sintomas ay agad na mag isolate at kontakin ang inyong Barangay Health Emergency Response Teams.”