-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Pasasalamat ang ipinaabot ng 202 na katutubo mula sa mga bayan ng Pigcwayan, Carmen, Aleosan at Libungan Cotabato matapos nitong makatanggap ng 12,120 fruit tree seedlings mula sa pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.

Ang seedlings ay kinabibilangan ng mangosteen, durian, rambutan at lansones na nagkakahalaga ng abot sa P399,960 na ipinamahagi ng Provincial Governor’s Office-IP Affairs sa Brgy. Liliongan, Carmen; Tomado Aleosan; Kimarayag at Renebon, Pigcawayan at Grebona, Kapayawi at Kitubod, Libungan.

Ayon kay Julieta Enopia, isang benepisyaryo mula sa Brgy. Kapayawi sa bayan ng Libungan, malaki ang maitutulong sa kanila ng fruit trees na ipinamahagi ng probinsya dahil maaari itong mapagkukunan ng kanilang kabuhayan.

Maliban sa pasasalamat sa tulong sa kanyang nasasakupan, umaasa naman si Renebon, Pigcawayan Chairman Lilita Mancap na aalagaan ng mga benepisyaryo ang mga pananim na ibinigay sa kanila upang magbunga ito na maaari nilang mapagkunan ng kanilang pagkakakitaan.

Ang pamamahagi ng high value crops sa mga IP communities ay bahagi ng Special Projects for IP ng PGO-IP Affairs at Office of the Provincial Agriculturist.