Kinumpirma ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nasa 122 kabataan at personnel ng Gentlehands Orphanage sa Barangay Bagumbayan ang nagpositibo sa Covid-19 virus.
Sinabi ni Mayor Belmonte sa nasabing bilang 99 dito ay mga bata may edad 17 years old pababa kung saan 86 dito ay symptomatic habang 32 ang asymptomatic.
Sinabi pa ng alkalde nasa 143 ang isinailalim sa RT-PCR test kung saan 122 ang positive sa Covid-19 virus habang 25 ang negative.
Dahil dito binigyang-diin ni Belmonte na striktong sundin ang minimum health protocols lalo na sa mga work places at iba pang mga high-risk closed facilities para hindi na maulit na may marami ang mahawahan gaya ng nangyari sa orphanage.
Sinabi ni Mayor Belmonte ang hindi pagsunod o hindi pagpapatupad ng minimum public health protocols ay paglabag sa RA 11332 kaya dapat maging mahigpit ang ating persons in authority sa pagpapatupad nito para maiwasan ang pagkalat ng virus.
Giit nito, na maaaring maiwasan ang outbreak at mahawahan ang mga bata kung nag-ingat at sumunod sa health protocol.
Ayon naman kay City Epidemiology Surveillance Unit (CESU) Chief Dr. Rolando Cruz, tatlong lalaking staff ng Orphanage ang lumabas nuong August 13 para magpabakuna ng kanilang first dose ng Covid-19 vaccine at makalipas ang anim na araw isa sa mga bata sa loob ng bahay ampunan ang nagkaroon ng sintomas.
Ang nasabing orphanage ay may kabuuang 163 residents kabilang ang mga bata at personnel nito.
Sinabi ni Dr. Cruz, mahalaga na mapanatili sa mga nasabing closed long-term care facilities ang mahigpit na protocols dahil kahit isang kaso lang ang makapasok dito ay madaling mahahawa ang lahat.
Agad namang tumugon ang Office of the City Mayor sa mga kakailanganin ng nasabing facilities gaya ng pagbibigay ng paracetamol, vitamins, hygiene kits, face masks, alcohol, at food packs.
Pinatitiyak ni Belmonte sa CESU na mahigpit imonitor ang kalagayang ng bawat isa lalo na ang mga bata.
Siniguro ng alkalde na patuloy nilang papalawigin ang kanilang swab testing at contact tracing program para maabot ang mga gaya nitong high-risk closed facilities.
Dagdag pa ni Dr. Cruz, ang orphanage ay may kabuuang 163 residents kabilang ang mga bata at personnel nito.
May mga indibidwal pa ang hindi isinailalim sa swab test kabilang ang 14-anyos, sanggol at dalawang bata na may edad tatlo hanggang 10 taong gulang.
Sa 32 staff ng orphanage lima ang fully vaccinated, 19 ang partially vaccinated habang ang walo ay naghihintay ng kanilang vaccination schedules.
Sa kabilang dako, inihayag ng pamunuan ng Gentle Hands Orphanage na hindi sila nagpapapasok ng bisita sa nakalipas na 540 days.