Patunay lamang na hindi mahaharang ng kahit anong pandemya na kinakaharap ng Pilipinas ang paggunita nito sa ika-122 taong Araw ng Kalayaan nito mula sa kamay ng mga mananakop.
Sa makasaysayang Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite ay isinagawa ang maiksi at simpleng selebrasyon para sa Araw ng Kasarinlan ng bansa kung saan 100 bisita lamang ang pinayagang dumalo mula sa myembro ng media, organizers, pulis, militar at technical staff.
Ayon sa National Commsiion of the Philippines (NHCP) ay alinsunod na rin sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na bawal pa rin ang mass gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ang temang “Kalayaan 2020: Tungo sa Bansang Malaya, Nagbabayanihan, at Ligtas” ay pagbibigay-pugay na rin sa mga frontliners na patuloy na naglalaan ng kanilang oras, lakas at buhay para lamang siguraduhin na ligtas ang lahat sa gitna ng COVID-19.
Pinangasiwaan ni Kawit, Cavite Mayor Angelo Aguinaldo ang flag raising dakong 7:45 ng umaga at sinundan naman ito ng panunumpa ng katapatan sa watawat.
Pinangunahan naman ni Rev. Fr. Reiner Dumaop ang dasal para sa Pilipinas at nag-alay din ng bulaklak ang alkalde sa puntod ni Emilio Aguinaldo.
Hindi tulad noong nakaraang taon, ay wala nang inilatag na programa ang lokal na pamahalaan ng Kawit para sa kanilang mamamayan upang makaiwas sa lalo pang pagkalat ng nakamamatay na virus.