KALIBO, Aklan—Ikinatuwa ng pamilya Burnasal ang nakatakdang pag-aaral ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa mga requirements para sa Guinness World Record para sa pinakamatandang tao na nabubuhay sa buong mundo matapos na mavalidate sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang “late registration” record ng isang 123-anyos na lola na si Radigondes Burnasal ng Barangay Tigayon, Kalibo, Aklan.
Ayon sa anak nito na si Milagros Burnasal, ikinasasaya ng kanilang puso na umabot sa ganitong edad ang kanilang ina at kasama nila ito hanggang sa kanilang pagtanda.
Mahirap na aniyang makapagsalita si lola ngunit nakakarining pa ito at siya mismo ang nagpapakain sa kaniyang sarili dahil ayaw niyang sinusubuan ng kaniyang mga anak.
Kwento pa ni Milagros na sa kabataan ng kaniyang ina ay sa bundok ang mga ito nakatira kung saan, ang kanilang kinakain lamang ay mga kamoteng kahoy, mga gulay at prutas na makikita sa kanilang bakuran kung kaya’t ito ang kanilang pinaniniwalaan na dahilan na buhay pa ang kanilang ina hanggang sa kasalukuyan.
Ipinanganak si Radigondes noong Mayo 9, 1900 sa Barangay Janlud, Libacao, Aklan, nakapangasawa ng taga-Roxas at nakaanak ang mga ito ng siyam na supling hanggang sa napadpad ang mga ito sa bayan ng Kalibo.
Dagdag pa ni Milagros na nakatanggap na ang kaniyang ina ng centenarian award noong 2017 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga cash gift mula sa Aklan provincial government at lokal na pamahalaan ng Kalibo.
Una rito, mismong sina NCSC Commissioner Ricardo Rainer Cruz III at Commissioner Reymar Mansilungan ang bumisita at nakibahagi sa 123rd birthday celebration ni Bursanal na ginanap noong Mayo 13 kung saan, binigyan nila ang matanda ng P10,000 pesos na cash gift bilang regalo.
Nabatid na ang record holder para sa oldest living person in the world ay hawak ngayon ng 115 year old American-Spanish na si Maria Branyas Morera na kinumpirma ng Guinness noong Enero ng kasalukuyang taon kasunod sa pagkamatay ng French nun na si Lucile Random ng France sa edad na 118 anyos.