Kinumpirma ng Department of Justice (DoJ) na palalayain na ng pamahalaan ang 127 inmates na bibigyan ng executive clemency na kinabibilangan ng mga matatanda at may sakit na mga bilanggo kasunod ng rekomendasyon ng DoJ.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, siniguro umano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang pag-uusap sa ika-11 na Cabinet meeting na kanyang pipirmahan ang order para mapalaya na ang mga bilanggo sa susunod na linggo.
Kasama sa mga palalayain ay ang mga inmates mula sa penal colonies na nasa ilalim ng pamamahala ng Bureau of Corrections (BuCor) kabilang na ang New Bilibid Prison (NBP) at Correctional Institution for Women (CIW).
Una nang sinabi ng justice chief na dalawang bilanggo na ang inirekomenda nilang mabigyan ng absoulute pardon at mahigit 100 naman para sa commutation ng kanilang sintensiya.
Ang pagpapalaya sa mahigit 100 na inmate ay bahagi ng pangako ng Pangulo na kanyang palalayain ang mga bilanggo na may edad 80-anyos pataas at ang mga bilanggo na nakakulong na nang mahigit 40 taon.