VIGAN CITY – Pwersahang inilikas ang mga residente ng isang barangay sa San Quintin, Abra dahil sa nakitang bitak sa lupa at banta ng landslide sa kabundukan matapos mangyaring magnitude 7.0 na lindol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay San Quintin Mayor Jovellen Aznar, agad na tumulong ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology upang i-assess ang Brgy. Tangadan at nakita ang malalaking bitak sa lupa na lumala noong mangyari ang lindol.
Aniya, agad na ipinag-utos ang forced evacuation sa mga residente na aabot sa 128 pamilya o mahigit 600 indibidwal dahil sa banta ng landslide kung tuloy-tuloy ang pag-ulan.
Nagpaabot kaagad ng tulong ang Local Government Unit, Provincial Government at DSWD sa mga residenteng apektado na forced evacuation at nabigyan ng tent, sleeping kits, food packs at iba pa.
Sa ngayon maraming residente sa nasabing bayan ang mas gustong matulog sa labas ng kani-kanilang tahanan sa takot na dala ng mga pagyanig na nararamdaman sa Northern Luzon.