KALIBO, Aklan — Kabuuang 129 na miyembro ng Aeta community sa isla ng Boracay ang nakatanggap na ng unang dose ng COVID-19 vaccine.
Ang mga Aetas ay nagmula sa Ati Village sa Sitio Lugutan, Barangay Manocmanoc, sa isla.
Kasama nilang nabakunahan ang tatlong madre na nakatira sa nasabing lugar.
Nabatid na sa kabuuang 136 na target na mabakunahan na may edad 18-anyos pataas, 129 lang ang nabakunahan sa isinagawang isang araw na vaccine rollout sa itinalagang dalawang venue bilang bahagi pa rin ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Malay, Department of Health at Department of Tourism upang maabot ang herd immunity sa isla.
Halos 80 porsiyento na ng nasa 11,600 na tourism workers sa Boracay ang nabakunahan habang nagpapatuloy rin ang bakunahan sa mga residente sa isla at mainland Malay na kasama sa priority groups lalo pa at nalalapit ang holiday season at pagbubukas ng isla sa mga dayuhang turista sa pamamagitan ng international travel bubble.