-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nakauwi na ang nasa 129 na Russian tourists na stranded sa isla ng Boracay matapos na maipit sa ipinatupad na lockdown sa buong lalawigan ng Aklan sa harap ng banta ng coronavirus pandemic.

Ayon kay Engr. Eusebio Monserate Jr., manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Aklan na isang Russian plane ang lumapag sa Kalibo International Airport at sumundo sa nasabing mga turista sa tinatawag na mercy flight.

Nakipag-ugnayan ang provincial government ng Aklan, Department of Foreign Affairs at Department of Tourism (DOT) Region 6 sa Russian government upang ma-repatriate ang mga desperado nang turista.

Noong nakaraang linggo, nasa 500 lokal at dayuhang bakasyunista rin mula sa Boracay ang nakauwi sa pamamagitan ng recovery flights.

Mula Caticlan airport sa bayan ng Malay ay inilipad sila papuntang Clark International Airport sa Pampanga at naghintay ng connecting flights pauwi sa kani-kanilang destinasyon.