-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Umaabot sa 12,305 na mga indibiwal o katumbas sa 3,469 na pamilya ang nagsilikas matapos na maipit sa sagupaan ng sundalo at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.

Ito ang paglilinaw ni Lt. Col. John Paul Baldomar, ang tagapagsalita ng 6th Infantry ‘Kampilan’ Division kung saan ang nasabing bilang ay base sa inilabas na joint team ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) mula sa mga bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Shariff Saydona Mustapha, Mamasapano, Shariff Aguak at Datu Unsay lahat mula sa probinsiya ng Maguindanao.

Sa kabilang dako naman, ang tanggapan ng Civil Defense – Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (OCD-BARMM) ay nakapagtala naman ng 4,264 na pamilya ang naapektuhan.

Batay sa kanilang ulat as of 10:00 pm nitong March 19, 2021, ito ay kinabibilangan ng 2,154 na pamilya mula sa Datu Saudi Ampatuan, 989 pamilya sa Shariff Saydona Mustapha, 800 sa Mamasapano, 231 Shariff Aguak at 20 pamilya sa Datu Unsay na ngayon ay nasa iba’t-ibang mga evacuation center.

Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng Joint Task Force Central ang BIFF sa SPMS Box sa Maguindanao.