-- Advertisements --

Patay ang 13-anyos na dalagita habang missing naman ang isa pang menor de edad na kasama nito matapos nalunod sa dagat sa Barangay Pacencia, Tobias Fornier, Antique.

Ang namatay ay si Princess Anne Egualan habang ang missing naman ay si Jan Nazaren Baguna, mga residente ng Barangay Abaca, Tobias Fornier.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Staff Sergeant Rene Basilio, imbestigador ng Tobias Fornier Municipal Police Station, sinabi nito na nangyari ang insidente habang naliliigo ang dalawang biktima at dalawa pang kasamahan na pawang menor de edad.

Pinagsabihan pa umano sila ng barangay tanod na umuwi na dahil masama ang panahon.

Ayon kay Basilio, hindi nakinig ang mga bata at kalaunan, tinangay na ng alon ang dalawa.

Dinala pa ang dalagita sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Patuloy naman ang retrival operation para sa isa pang biktima.