-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang isang estudyante at sugatan ang kanyang kasama sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Fahad Dianalan Guintawan,mag-aaral ng Pikit National High School,sugatan naman si alyas Gilmar,11 anyos at nakaligtas ang isang kasama nito na mga residente ng Sitio Tambak Barangay Gli-gli Pikit Cotabato.

Ayon kay Pikit Chief of Police Lieutenant Colonel John Miridel Calinga na sakay ng bisiklita ang mga biktima pabalik nang kanilang paaralan ng itoy pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek.

Mabilis anyang tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Pikit.

Agad dinala ang dalawang sugatan sa Cruzado Medical Hospital ngunit binawian ng buhay si Guintawan habang nasa ligtas ng kalagayan si Glimar.

Nagpalabas naman ng executive order si Pikit Mayor Sumulong Sultan para suspindihin ang lahat ng antas ng klase sa bayan ng Pikit mula ngayong araw Pebrero 15 hanggang petsa 17.

Nanawagan ang LGU-Pikit sa lahat ng sektor na magtulungan para maresolba ang mga nangyayaring kremin sa bayan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Pikit MPS sa pamamaril sa tatlong estudyante.