KORONADAL CITY – Boluntaryong sumuko ang labintatlong (13) mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao del Norte.
Ito ang kinumpirma ni BGen. Oriel Pangcog, commanding officer ng 601st Brigade Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Pangcog, nabiktima lamang ng maling ideolohiya at sirkumstansiya ang mga sumukong armado kaya’t nakapagdesisyon na magbalik loob sa gobyerno upang makapamuhay ng mas maayos at payapang.
Dagdag pa ng opisyal, inorganisa ng 1st Brigade Combat Team ang seremonya ng pagbabalik loob sa gobyerno ng mga ito sa Barangay Pigkalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Dala din nila sa pagbabalik-loob ang kanilang mga kagamitang pandigma na kinabibilangan ng 50 caliber Barrett, Sniper rifle, Grenade launcher, RPG, mga bala at maraming iba pa.
Ipinagdiinan naman ni General Pangcog na seryoso ang pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga rebelde nais sumuko upang makasama na ang kanilang pamilya.
Agad naman na binigyan ng tulong pinansiyal, bigas at food packs mula sa MSSD BARMM ang mga sumuko.
Sa kasalukuyan, nasa 115 na ang bilang ng mga rebelde na nawala sa hanay ng BIFF bunga ng pagsusumikap ng iba’t-ibang mga units sa ilalim ng Joint Taskforce Central, mga ahensya ng gobyerno at ng mismong komunidad mula buwan ng Enero.
Sa nasabing bilang, isa ang naaresto, labintatlo (17) ang nasawi sa mga operasyon habang 97 na ang mga nagbalik-loob sa gobyerno.
Sa kabila nito, patuloy naman ang panghihikayat ng mga sundalo sa iba pang kasapi ng mga rebelde o teroristang grupo na sumuko na rin sa mga otoridad.