ILOILO CITY – Nakipag-ugnayan na ang Commission on Elections (Comelec) sa pulisya at militar kaugnay sa mga lugar na isinailalim sa tinatawag na election areas of immediate concern.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Wilfred Jay Balisado, director ng Comelec Region 6, sinabi nito na nararapat na iwasan ng mga politiko na makipag-ugnayan sa mga rebelde upang manakot ng mga botante.
Mahirap man aniya ngunit tiniyak ng opisyal na kanila itong tututukan.
Napag-alaman na 13 bayan sa Iloilo ang nasa orange category o “election areas of immediate concern.”
Kabilang dito ang Sara, Bingawan, Lambunao, Maasin, Janiuay, Alimodian, San Joaquin, Tubungan, Igbaras, Miagao, Leon, Lemery at San Dionisio, Iloilo.
Nasa red category o election area of grave concern naman ang Calinog, Iloilo, dahil noong nakaraang halalan ay may naitalang election related incident.