-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Binigyan-diin ng Department of Agriculture (DA)-Region 2 na hindi African swine fever (ASF) ang ikinamatay ng mga biik at inahin sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Roberto Busania ng DA-Region 2, sadyang itinapon ang 13 biik na mula sa inahin matapos nagpasya ang may-ari na katayin na lang ang baboy na nahirapang manganak.

Hiningi aniya ng kaibigan ang inahin ngunit iniwan muna sa isang bakanteng lote at nakipag-inuman kaya ito nangamoy hanggang sa nadiskubre ng ilang residente sa lugar.

Iginiit ni Busania na wala pang kaso ng ASF sa Region 2 sa gitna ng pagkalat sa internet ng nasabing larawan ng mga baboy na kuha ng isang netizen at sinabi na ito ay dahil sa ASF.

Sinabi ni Busania na apat ang quarantine checkpoints sa Region 2, dalawa sa Isabela, sa Qurino at Nueva Vizcaya, para matiyak na hindi makapasok ang mga baboy na posibleng infected ng ASF.