-- Advertisements --
Nasawi ang 13 katao habang 4.5 milyong indibidwal naman ang apektado sa malawakang pagbaha dala ng matinding pag-ulan sa Bangladesh ayon sa disaster management and relief ministry ngayong Biyernes.
Aabot naman sa 190,000 iba pa ang dinala sa emergency relief shelters.
Nasa 11 mula sa 64 distrito ng bansa ang apektado ng pagbaha kung saan pinakamatinding sinalanta ay ang Feni, 100 kilometro hilagang kanluran ng main port city ng Chittagong.
Kaugnay nito, puspusan ang isinasagawang rescue operations para maisalba ang maraming mga residente sa abot ng kanilang makakaya.
Ang Bangladesh nga ay isa sa mga bansang madalas tamaan ng mga kalamidad at climate change base sa Global Climate Risk Index.