-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng 13 magkakabarkada matapos magpakita ng mga pekeng COVID-19 test result upang makapasok sa isla ng Boracay.

Ayon kay Lt. Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station na pekeng RT-PCR test ang ipinakita ng mga nahuli sa validation team ng provincial task force na nakabantay sa Caticlan jetty port.

Pangunahin pa rin sa travel requirements sa mga turistang mula sa labas ng Panay Island ang negatibong RT-PCR test upang makapasok sa Boracay.

Dagdag pa ni De Dios na ang mga nahuli ay pawang nagmula sa Luzon.

Matapos umanong ma-verify na peke ang mga dokumento na kanilang ipinakita ay agad na kinuha ang mga ito sa kanilang tinutuluyang hotel at dinala sa bayan ng Kalibo na kasalukuyang naka-quarantine sa pasilidad ng Provincial Health Office.

Maliban sa isasampang kasong falsification of documents at RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ay idedeklara pa silang persona non grata ng lokal na pamahalaan ng Malay dahil sa hindi pagsunod sa ipinatutupad na patakaran.