ILOILO CITY – Halos hindi pa makausap ang 13 survivors sa vessel collision incident na kinasasangkutan ng MV Happy Hiro, isang cargo vessel at isang Filipino fishing vessel sa karagatan ng Maracanao Island, Agutaya, Palawan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Coast Guard Lt. Martoni Saliendra, legal officer ng Philippine Coast Guard (PCG) – Western Visayas, sinabi nito na nasa state of shock pa rin ang mga mangingisda ngunit nabigyan na rin ng medical attention.
Sa 13 na mga nailigtas, isa ang residente ng Estancia, Iloilo habang 12 naman ang residente ng Bantayan Island, Cebu.
Ayon kay Saliendra, nagpapatuloy ngayon ang coordination sa ship owner at nagsasagawa rin ang PCG ng maritime investigation para sa criminal liability ng MV Happy Hiro.
Napag-alaman ayon sa inisyal na statement ng isa sa mga survivor, nabigla na lamang sila nang binangga ng MV Happy Hiro ang kanilang fishing boat sa Maracanao Island.
Kasalukuyang nagsasagawa pa ng search and rescue operations ang mga barko ng PCG – ang BRP Suluan (MRRV-4406), PCG Station Cuyo, at PCG Sub-Station Agutay sa Iloilo para sa mga nawawala pang mangingisda.