-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nasa mabuting kalagayan na ngayon ang 13 mga empleyado ng isang banana plantation sa bayan ng Carmen, Davao del Norte matapus makalanghap ng sumingaw na gas cylinder.

Batay sa ulat, nag-umpisa ang pag-singaw ng gas cylinder ala una ng madaling araw, pero alas 11 na ng umaga nang ini-report ng mga residente sa mga otoridad.

Inihayag ni Davao city Fire district search and rescue unit head – Fire Inspector Richard Quiboquibo nakaranas ng pagkahilo, pananakit ng ulo at pagsusuka ang naturang mga residente ng Purok 10-B Alejal, Carmen Davao del Norte matapus makasinghot ng sumingaw na gas.

Nahukay umano ng isa sa mga residente ang dalawang cylinder gas mga anim na buwan na ang nakakaraan, pero inilagay lamang nila ito sa isang tabi at hindi ini-report sa mga otoridad, hanggang sa umabot ang panahon na isa sa mga ito ang nag-leak.

Kaugnay nito, nanawagan ang mga otoridad sa publiko na kaagad i-report ang katulad na mga insidente upang maiwasan ang disgrasya.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng Municipal Environment and natural Resources Office (MENRO) ang dalawang gas cylinder.