-- Advertisements --
FLOODS ILOILO URSULA

ILOILO CITY – Lomobo na sa 13 ang bilang ng patay bunsod ng pananalasa ni bagyong Ursula sa Iloilo.

Pinakahuling nadagdag sa tala ang magpinsan na si Ronilo Evangelio, 12 , at LJ De Asis, 13, na tinangay ng rumaragasang tubig-baha sa ilog sa Brgy. Pasayan, Batad, Iloilo.

Ang mga biktima ay natagpuang patay sa ilog matapos naiulat na missing kahapon kasabay ng paghagupit ng bagyo sa nasabing bayan.

Una nang nakitang patay ang tiyuhin ng magpinsan na si Roel de Asis at mga anak nito na si Mimi at Yanyan de Asis.

Napag-alaman na pumunta lang sa bayan ng Batad, Iloilo ang magpamilya matapos dumalo sa lamay ng ama ni Roel.

Nang papunta ang mga ito sa evacuation center, humambalos ang malakas na tubig at tinangay ang mga ito sa ilog kung saan dalawa lang ang nakaligtas.

Sa ngayon, patuloy na pinaghahanap ang isa pang anak ni Roel na si Muymoy, 10.

Nakatakda namang umuwi pabalik sa Iloilo ang maybahay ni Roel na si Andrea de Asis, na tutulak na sana papunta sa Kuwait ngayong araw upang magtrabaho matapos ang bakasyon.

Labis naman ang galit ng kapatid ni Roel na si Ronel de Asis, matapos sinisi sa insidente kung saan hindi man lang umano nito pinaakyat sa kanyang dalawang palapag na bahay at hinayaan na tangayin ng tubig-baha ang mga namatay na kaanak.

iloilo ursula killed