-- Advertisements --

Arestado ang 13 Nigerian nationals at isang Filipina na miyembro ng on-line scam syndicate sa isinagawang entrapment at follow-up operations ng mga operatiba ng Imus City Police Station at Cavite Police Provincial office.

Ayon kay Region 4-A Calabarzon regional police director C/Supt. Edward Carranza nag-o-operate ang nasabing grupo sa tatlong lugar sa Imus City.

Nakilala ang ring leader ng sindikato na si Emmanuel Chinonso Nnandi alias Nonso, alias Boss.

Ang pag-aresto kay Nonso ay resulta ng entrapment operation base sa complaint ng isang Arnel Pilapil ng Quezon City ito’y matapos makuha ang ikatlong ipinadalang pera na nagkakahalaga ng P10,000 na ipinadala naman ng kapatid nito na si Charissa Pilapil Dequito na isang domestic helper sa Riyadh, Saudi Arabia.

Sinasabing kinaibigan umano ni Nonso na nagpanggap na miyembro ng Special Forces ng United States Army na may ranggong Major na nakabase sa Kabul, Afghanistan at nangakong magpapadala ng package sa Pilipinas na nagkakahalaga ng $2.5 million na ide-deliver ng diplomatic agent na si Mr. Evan Peters sa kaniyang address pero siya ang magbabayad ng P75,000 bilang airport authority taxes at bibigyan siya ng $300,000 kapag nakarating ang package ng maayos.

Nakuha ng mga pulis mula sa tatlong locations ang mga assorted computer laptops, electronic gadget gaya ng wife routers, iba’t ibang klase ng cellphones na ginagamit sa kanilang scamming schemes.

Kinasuhan na sa paglabag sa Republic Act 10175 ang mga suspek .

Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Bureau of Immigration kaugnay sa validity ng kanilang mga passport at mga travel documents.