Napatay ang nasa 13 Palestino sa panibagong air strikes ng Israel sa 3 bahay sa Southern Gaza City ng Rafah at ikinasugat ng marami pang indibidwal ayon sa medical officials sa lugar.
Sa northern Gaza strip naman tinamaan ng air strike ng Israel ang 2 bahay na ikinasawi at ikinasugat ng ilang mga indibidwal.
Ang pag-atakeng ito sa Rafah kung saan mahigit isang milyong katao ang lumikas dito bunsod ng mahigit 6 na buwan ng pambobomba ng Israel sa Gaza ay ilang oras bago ang inaasahang pag-host ng Egypt sa mga lider ng Islamist group na Hamas para talakayin ang mga panukala para sa ceasefire agreement sa Israel.
Nitong linggo, sinabi ng Hamas officials na tatalakayin ng isang delegasyon sa pangunguna ni Khalil Al Hayya, deputy Gaza chief ng grupo ang panukalang ceasefire na ipinasakamay ng Hamas sa mediators mula sa Qatar at Egypt gayundin ang tugon ng Israel.
Inaasahan naman na tutugon na ang Hamas sa panibagong ceasefire proposal ng Israel na ipinadala sa Hamas noong Sabado.
Kabilang sa kasunduan ang posibleng pagtanggap ng Hamas na palayain ang mas mababa sa 40 mga bihag kapalit ng pagpapakawala sa mga Palestinong nasa piitan ng Israel at ang ikalawang yugto ng tigil-putukan.