CEBU CITY – Nasa ligtas na kalagayan ngayon ang 13 pasahero na sakay ng isang colorum na motorbanca matapos itong pumalya sa gitna ng karagatan sa Liloan, Cebu.
Ayon sa tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG)-7 na si Lt. Junior Grade Michael John Encina, nagsagawa kaagad ng search and rescue operations ang kanilang sangay mula sa Danao Station matapos itong makatanggap ng saklolo.
Napag-alaman na lumayag ang motorbanca na J and J Liner mula Olanggo Island papuntang Camotes Island, Cebu upang mamanhikan ngunit pumalya ang makina ito sa kalagitnaan ng byahe.
Dahil sa lakas ng alon, rumesponde ang isang tugboat upang i-rescue ang mga sakay ng naturang motorbanca.
Dagdag pa ni Encina na hindi pinayagang lumayag ang J and J Liner mula Olango Island hanggang sa Camotes Island dahil hindi umano ito kaaya-aya.
Nahaharap ang may-ari ng naturang motorbanca ng ilang mga sanctions dahil wala umano itong kaukulang permits mula sa PCG-7.
Kaya naman nagpaalala ang PCG-7 na huwag sumakay sa mga colorum na motorbanca at isaalang-alang ang kaligtasan sa byahe.