(Update) VIGAN CITY – Nagpapagaling na ngayon sa Ilocos Sur District Hospital- Narvacan, Ilocos Sur ang 13 katao na nasugatan sa salpukan ng public utility jeepney at Toyota Hi-Ace van sa Margaay, Narvacan, Ilocos Sur.
Una nang nakilala ang driver ng jeepney na si Conrado Ciubal Ventura, 47, na residente ng Dinalaoan, Narvacan samantalang ang driver naman ng jeep ay si Ronaldo Soriano Silva, 48, ng Brgy. Lungog sa nasabing bayan.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, tinatahak umano kahapon ng hapon ng van ang timog na direksyon ng nasabing kalsada nang bigla na lamang nawalan ng kontrol sa manibela ng sasakyan si Ventura kaya naagaw nito ang linya ng jeep na patungong hilagang direksyon kaya naganap ang salpukan.
Naipit pa sa kaniyang puwesto ang driver ng jeep na ni Silva kaya nahirapan ang mga otoridad na nagresponde na matanggal ito sa kaniyang kinaroroonan.
Samantala, nagtamo naman ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang siyam pang pasahero ng jeep, gayundin ang tatlong sakay ng van, kasama na ang driver.
Sa ngayon, iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang totoong rason ng aksidente.