VIGAN CITY – Aabot sa walong katao ang inisyal na naitalang namatay habang lima ang nawawala sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Ilocos Sur dahil sa paghagupit ng bagyong Maring.
Sa bayan ng Sta. Maria, lima ang kumpirmadong nasawi habang isa naman ang patuloy na pinaghahanap ng mga rescue teams.
Isa sa mga biktima ay si Pastor Marvin Zamora Lagmay ng Brgy. Baliw Laud na inatake sa puso, habang ang iba naman ay inanod ng baha.
Karamihan naman ay na-trap at hindi na nakalabas sa kanilang bahay dahil sa mataas na lebel ng tubig-baha.
Sa bayan naman ng Suyo, tatlo ang naitalang missing na kinabibilangan ng dalawang syam na taong gulang na magkapatid at isang lalaking senior citizen na si Salvador Padsing na tinangay ng malakas na agos ng tubig habang ito ay papunta sa kanyang babuyan.
Bangkay na rin nang matagpuan sa bayan ng Sta. Cruz si Jose Javillo Jr matapos na malunod ito sa creek kung saan kinuha nito ang kanyang alagang baka.
Patay din si Freddie Dang-ao na isang magsasaka dahil sa pagkalunod naman sa Brgy. Villa Hermosa.
Sa siyudad ng Candon isang bangkay ng babae ang hindi pa nakikilala ang natagpuan sa tabing-dagat na sakop ng Brgy. Patpata 2nd.
Pinaghahanap din ng rescue team sa bayang ng Tagudin si Roldan Limon ng Brgy. Ambalayat ng tumawid ito at mahulog sa hanging bridge.
Sa ngayon, patuloy ang pagsasagawa ng search and retrieval operation upang mahanap ang iba pang biktima ng bagyo.
Sa kabilang dako hindi pa tuloyang naibabalik ang supply ng kuryente sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan.
Sa ipinalabas na abiso ng Ilocos Sur Electric Cooperative hindi pa kompleto ang kanilang pagsasaayos sa mga linya ng kuryente na papunta sa mga barangay.
Magpapatawag naman ng press conference si Governor Ryan Singson hinggil sa naging epekto ng bagyong Maring sa lalawigan ng Ilocos Sur.
Samantala sa dagdag pang impormasyon, dalawa ang nawawala sa kasagsagan ng bagyo na naitala naman sa bayan ng Santa kung saan pinaghahanap ng rescue team ang nawawalang si Michael Madrid ng Brgy. Labut, Norte na pumunta sa kanyang sakahan nang ito at tangayin ng malakas na agos ng tubig at sa bayan ng Narvacan si Pablito Cadano na lumabas sa kanyang bahay sa kasagsagan ng bagyo upang hanapin ang kanyang alagang baka ngunit hindi na nakabalik sa kanyang pamilya.