ROXAS CITY – Habang nababalot ng pangamba ang buong mundo sa kumakalat na novel coronavirus galing China ay isa pang virus na galing sa baboy ang kumitil naman sa buhay ng 13 katao sa Taiwan.
Ito ang inihayag ni Bombo International Correspondent Agnes Berber Onasin, tubong Capiz at isang Overseas Filipino Worker na naba-se ngayon sa Taichung, Taiwan sa kaniyang ulat sa Bombo Radyo Roxas.
Aniya, maliban sa nCoV ay mas natatakot sila sa kumakalat na H1N1 virus o mas kilala bilang swine flu dahil nakapagtala na ng casualties ang Centers for Disease Control (CDC) sa naturang bansa.
Ang mga nasawing biktima ay nasa 47 hanggang 97 anyos ang edad, kabilang dito ang isang babae na mahigit 80-anyos.
Aniya, umabot na rin sa higit 116, 000 katao ang sumailalim sa paggamot matapos makitaan ng sintomas ng swine flu.
Nabatid na ang swine flu ang pangunahing source ng flu infection sa mga residential community sa Taiwan.