-- Advertisements --

Nasawi ang hindi bababa sa 13 peacekeeper at mga sundalo dahil sa nararanasang gulo sa eastern Congo, ayon sa mga opisyal ng United Nations at foreign military doon.

Habang lumaki naman ang puwersa ng rebeldeng M23 nito lamang nakaraang linggo, at kasalukuyang malapit na sa silangang bahagi ng lungsod ng Goma, na may humigit-kumulang dalawang milyong populasyon at tinuturing isang mahalagang sentro para sa seguridad at mga humanitarian operation sa rehiyon.

Kabilang sa mga nasawi ang dalawang South African peacekeeper, isang Uruguayan Blue Helmet, at tatlong Malawian peacekeeper, pati na rin ang pitong sundalo ng South Africa mula sa Southern African Development Community Mission (SAMIDRC).

Ang naturang gulo ay lumalala sa mga nakaraang linggo, na naglalagay ng panganib sa mas maraming buhay ng mga sibilyan. Nababatid na ang mga pwersa ng militar ng Congo, kasama ang mga peacekeeper ng UN at mga sundalo mula sa SAMIDRC, ay matagumpay na napa-urong ang isang opensiba ng rebeldeng M23 malapit sa Goma noong Sabado.

Inaakusahan naman ng Congo, Estados Unidos, at mga eksperto ng UN ang Rwanda ng pagsuporta umano nito sa grupo ng M23, mula sa mga etnikong grupo ng Tutsi sa Congo na naghihiwalay mula sa hukbong Congolese higit sa isang dekada na ang nakakalipas.

Itinatanggi naman ng Rwanda ang mga paratang, ngunit inamin na mayroon itong mga tropa at missile systems sa eastern Congo para sa kanilang mga seguridad.

Bilang tugon sa lumalalang karahasan, ipinagpaliban ng U.N. Security Council ang isang emergency meeting nito sa Enero 28, 2025.

Samantala sinabi naman ni Kate Hixon, advocacy director para sa Africa ng Amnesty International US, sinasamantala umano ng rebeldeng M23 ang sitwasyon dahil sa pagpapalit ng administrasyon ng US bunsod ng maaarring paglalapa aniya ng karahasan sa rehiyon.

Kinilala naman ng bansang Uruguay ang isa sa kanilang peacekeepers na si Rodolfo Álvarez, na napatay habang nagtatrabaho upang mag-evacuate ng mga sibilyan mula sa Goma.

Maaalala na mula pa noong 2021, ang gobyerno ng Congo at mga kaalyadong pwersa, kabilang na ang SAMIDRC at mga peacekeeper ng U.N., ay nagtutulungan upang pigilan ang mga rebelde ng M23 na makapasok sa Goma.

Ang U.N. peacekeeping force, na kilala bilang MONUSCO, ay nasa Congo at dalawang dekada nang nanatili at mayroong humigit-kumulang na 14,000 peacekeeper sa lugar.