Kinumpirma ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at ng Philippine Embassy sa Cambodia ang desisyon ng korte sa Kandal, Cambodia noong Disyembre 2, 2024, na napatunayang nagkasala ang 13 Filipina sa paglabag sa batas ng Cambodia sa human trafficking at sexual violations.
Sila ay kabilang sa 20 Filipino na inaresto dahil sa kanilang partisipasyon sa surrogacy, na illegal sa Cambodia.
Sa tulong ng Philippine Embassy sa Cambodia at ng IACAT, pito sa 20 Filipinang naaresto na hindi pa buntis ang ligtas na na-repatriate pabalik sa Pilipinas noong Oktubre 2024.
Patuloy ang pagsisikap ng IACAT na tumulong na protektahan ang mga biktima ng human trafficking, kaya nagpadala sila ng delegasyon noong Nobyembre 2024 upang bisitahin ang 13 Filipina at makipagpulong sa mga opisyal ng Cambodia tungkol sa kanilang kalagayan.
Habang may magkaibang pananaw ang dalawang bansa, binigyang-diin ng Pilipinas na ang mga Filipinang ito ay mga biktima ng human trafficking at hindi dapat usigin.
Ngunit ayon sa mga opisyal ng Cambodia, mahalaga ang kanilang partisipasyon sa illegal surrogacy kaya’t ipinatupad nila ang kanilang mga batas laban dito.
Nalulungkot ang IACAT sa dalawang taong pagkakakulong na ipinataw sa 13 Filipina, ngunit kinikilala rin nila ang polisiya ng Cambodia laban sa surrogacy at ang pagbawas sa kanilang parusa mula 15-20 taon patungong dalawang taon na lamang.
Sa insidenteng ito, binibigyang-diin ng IACAT ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kamalayan at pagpapalakas ng mga kampanya laban sa mga modus na gumagamit sa mga Filipina sa illegal surrogacy.
Nangako rin ang IACAT na magpapatuloy ang pagtulong sa mga apektadong kababaihan at patuloy ang imbestigasyon upang sampahan ng kaso ang mga recruiters na responsable sa trafficking.