-- Advertisements --

Ligtas na rin na nakabalik sa Pilipinas ang hindi bababa sa 13 mga Pilipino mula sa Ukraine sa gitna ng kaguluhan sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Sa pangunguna ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola at Assistant Secretary Paul Raymund Cortes, ay mainit na sinalubong ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ayon sa DFA, ang naturang mga Pinoy ay kabilang sa 40 evacuees na tumakas sa Kyiv patungong Lviv na sinalubong naman ni Foreign Affiars Secretary Teodoro Locsin Jr. pagdating ng mga ito sa border ng Poland.

Sakay ng Emirates flight EK 2023 ay lumipad ang mga ito pauwe sa bansa mula sa Warsaw Chopin airport.

Sinabi rin ng ahensya na ang Embahada ng Pilipinas sa Warsaw ang nag-asikaso ng travel at flight documents ng mga ito, gayundin ang kanilang pananatili sa isang hotel sa Warsaw.

Ang lahat ng mga gastusin sa isinasagawang repatritation ng mga kababayan natin sa Ukraine, kabilang na ang transport expenses mula Kyiv patungong Warsaw, pagkain, accomodation, RT-PCR test, at airfare patungong Maynila ay sagot mismo ng DFA mula sa Assistance-to-National fund nito.

Una rito ay napauwi na rin sa bansa ang anim pang mga Pilipino na mula sa Ukraine noong nakaraang Pebrero 18.