CAUAYAN CITY – Labing tatlong pulis kabilang ang 10 kasapi ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng city of Ilagan Police Station ang nagpositibo sa COVID 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Virgilio Abellera Jr., hepe ng City Of Ilagan Police Station, sinabi niya na kasalukuyan ng sumasailalim sa strict quarantine protocols ang mga miyembro ng SWAT na nagpositibo sa COVID-19.
Sinabi pa ng hepe ng pulisya na isang SWAT member ay direct contact ng kanyang kapatid na isang sibilyan na nagpositibo sa virus.
Ayon kay Abellera nakapag-report pa sa trabaho ang naturang SWAT member sanhi para mahawaan sa virus ang ilan pang kasapi ng SWAT.
Maliban dito ay nagpositibo rin sa virus ang tatlong patrol officer ng City of Ilagan Police Station.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa sila ng contact tracing sa mga kaanak na maaaring nakasalamuha ng mga SWAT member habang nagnegatibo naman sa COVID-19 ang 38 pang kasapi ng Ilagan police na huling isinailalim sa swab test.
Bagamat tuloy-tuloy pa rin ang kanilang serbisyo ay pansamantala silang naglagay ng tatlong tent sa harap ng kanilang himpilan para sa kliyente na may transaksiyon.
Nilagay naman sa likod ng City of Ilagan Police Station ang pagkuha ng National Police Clearance.
Pinapayuhan din nila ang mga kliyente na mahigpit na sumunod sa mga ipinapatupad na health protocols.
Samantala, fully recovered na ang mga imbestigador ng city of Ilagan Police station na na unang nagpositibo sa virus at natapos na ang kanilang quarantine.