MANILA – Galing ng Middle East ang 13 returning overseas Filipino’s na kasali sa 18 bagong na-detect na tinamaan ng mas nakakahawang B.1.1.7 o UK variant ng SARS-CoV-2 virus.
Ayon sa Department of Health (DOH) galing ang mga ROFs sa United Arab Emirates (UAE), Bahrain, at Saudi Arabia.
Kung maaalala galing din sa UAE ang pinaka-unang kaso ng UK variant sa bansa.
Una nang sinabi ng ahensya na dumating ang 13 ROFs sa pagitan ng mga petsang January 3 hanggang 27. Lahat sila ay gumaling na at patuloy na iniimbestigahan ng ahensya ang kanilang naging quarantine. Kasabay rin nito ang contact tracing.
Batay sa datos ng Health department, matatagpuan sa anim na rehiyon ang ilan sa mga kaso ng UK variant sa bansa.
Ang 22 ay nasa Cordillera, tatlo sa Davao region, dalawa sa Calabarzon; at tig-iisa sa Central Visayas, Northern Mindanao, at National Capital Region.
Habang 30 ang mga ROFs, isa ang dumating na foreign national, at isa ang patuloy na bini-beripika ng kagawaran.
Sa kabila ng pagkalat ng UK variant cases sa anim na rehiyon, nilinaw ng ahensya na hindi pa rin maikokonsidera na mayroon ng community transmission ng bagong virus variant.
“We have not achieved target sample size across all regions, therefore we cannot make conclusions yet as to whether there is presence of B.1.1.7 community transmission and the extent of transmission of B.1.1.7 in the regions,” ayon sa DOH.
“But even if met, we cannot just conclude the presence of community transmission since we are currently focusing on patients who are most likely exposed to the variant, such as those in clusters, severe/critical diseases, and returning overseas Filipinos.”
Paliwanag ni Health Sec. Francisco Duque III, inatasan na nila ang lahat ng regional offices ng DOH para magpadala ng positive samples na isasailalim sa whole genome sequencing.
“So far halos 2% of all the samples na ginawan ng whole genome sequencing ang nagpapakita ng variant na ito so mababa ang porsyento ito.”
Nitong Lunes, February 22, umabot sa 563,456 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas. Ito ay matapos makapagtala ang Health department ng 2,288 na bagong kaso ng sakit.