-- Advertisements --

Isa ang patay habang 13 katao ang sugatan matapos ang walong magkakahiwalay na insidente ng pamamaril ng isang gunman sa mga sasakyan sa tatlong siyudad sa Phoenix, Arizona.

Naitala ang mga insidente ng pamamaril sa Glendale, Peoria, at Surprise, mga siyudad sa northwest Pheonix sa central Arizona.

Tumagal ng mahigit isang oras ang pamamaril ayon kay Sgt. Brandon Sheffert, tagapagsalita ng Peoria Police Department.

Ang ilan sa mga nasugatan ay natamaan ng mga debris at car crash.

Pansamantala namang inilagay sa lockdown ang lahat ng Banner Health West Valley facilities kasunod ng shooting incidents.

Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek kung saan narekober sa loob ng sasakyan ang baril ng suspek subalit hindi naman malinaw kung ang naturang suspek ang may kagagawan sa mga naitalang multiple shoting incident.

Hindi pa pinapangalanan ang suspek at hindi pa natutukoy ang motibo nito sa pamamaril.

Iniimbestigahan na rin ng FBI ang walong insidente ng shooting incident.