Mariing itinanggi ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang pagkasawi ng 13 sundalo at pagkasugat ng 40 iba pa sa Marawi City kagabi ay dahil sa pag-atake ng Maute terrorists sa mga posisyon ng militar sa lungsod.
Ito ang nilinaw ni 1st infantry Division Spokesman Lt. Col. Jo Ar Herrera sa isang press briefing sa Marawi City.
Ayon Kay Herrera, ang militar ang nasa offensive position at ang mga sundalo ang lumusob sa mga defensive positions ng Maute terror group sa Brgy. Rada Madaya kagabi.
Ang naturang Barangay ay isa sa tatlong nalalabing barangay kung saan naka-position ang mga nalalabing pwersa ng Maute terror group.
Aniya, sinikap ng military na i-take-out ang mga machine gun nests at sniper nests ng kalaban na naka-pwesto sa matataas na gusali sa lugar sa tulong na rin ng mga surgical air strikes.
Ito ay upang mas mapadali ang paglilikas sa mga na-trap na sibilyan sa lugar na ginagawang human shields ng kalaban.
Paliwanag ni Herrera, ongoing pa ang assessment ng militar sa naging resulta ng kanilang 14 na oras na labanan na tumagal ng magdamag kagabi.