Nasa 130 katao na ang kasalukuyang nailigtas na ng mga otoridad mula sa binombang teatro sa Mariupol City sa Ukraine.
Ayon kay Ukraine’s human rights ombudswoman Lyudmyla Denisova, sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang rescue mission sa site kung saan sinasabing pinasabugan ito ng malakas na bomba ng Russian airstrike.
Ngunit sa ngayon ay wala pa rin aniya silang nakakalap na impormasyon sa 1,300 mga indibidwal na pinaniniwalaang sumilong doon nang bumagsak ang naturang bomba.
Wala pa rin kumpirmasyong inilalabas ang mga kinauukulan sa bilang ng possible casualties sa naturang insidente.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ibinahagi ng Ukrainian authorities ang tinatayang bilang ng mga survivor sa nasabing pag-atake.
Magugunita na una nang sinabi ng mga Mariupol city council na nasa mahigit 1,000 katao ang nakasilong sa ilalim ng inatakeng teatro.