Nasa halos 20,000 individuals na ang inilikas ngayon basi sa monitoring ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal na posibleng tumaas pa ang bilang ng mga evacuees dahil ongoing ang ginagawang evacuation.
Ito ay kasunod sa nagpapatuloy na ballistic activity ng bulkang Taal.
Sinabi ni Timbal mahigpit nilang mino-monitor ang aktibidad ng Taal dahil sa sandaling mangyari ang magmatic eruption ay napakadelikado raw nito.
Kaya hinimok ang mga kababayan natin na ang mga lugar ay nakapaligit sa crater ng Taal na magsilikas na dahil ngayon pa lamang may mga ibinubuga na itong magma.
Sa ngayon itinuturing na ghost town ang mismong volcano island maging ang Laurel town at ilan pang lugar.
Una nang inirekomenda ng DOST-Phivolcs ang total evacuation sa Volcano Island at sa loob ng 14-kilometers radius at sa mga kalapit na high-risk areas.
Apela naman ng NDRRMC sa mga miyembro ng media na huwag ng magtungo sa bahagi ng Talisay dahil ikinokonsidera na itong danger zone.
Maaari aniyang i-monitor ang aktibidad ng Taal volcano sa may bahagi ng Tagaytay.
Pinaalalahanan naman ni Timbal ang mga kababayan natin na gumamit ng facial mask dahil delikado sa kalusugan ang malalanghap na abo na ibinubuga ng Taal volcano.
Dahil unstable pa ang aktibidad ng bulkan ay hindi papayagan ng pamahalaan na makabalik ang mga residente sa kanilang mga tahanan dahil delikado.
Isinagawa na rin ang response cluster meeting sa operation center sa Camp Aguinaldo na pinangunahan ni Phivolcs director at DOST Usec. Renato Solidum nagbigay ng briefing kaugnay sa aktibidad ng bulkan na nasa Alert Level 4.
Aniya, mataas ang posibilidad na magkaroon umano ng major eruption na siyang delikado.